1,000 rapid test kits dumating na sa Maasin City, Southern Leyte

Kinumpirma ng Maasin City Urban Health Center na dumating na ang mga rapid test kits mula sa Maasin City government.

Ayon kay Medical Health Officer III Dr. April Gervie Macabuhay, prayoridad nito ang mga Locally Stranded Individuals, Balik Probinsya beneficiaries, mga Persons Deprived of Liberty o PDL at frontliners na may mga sintomas.

Limitado pa ang nasabing supply kung kaya’t hindi pa lahat ang kayang isailalim sa naturang test.

Nilinaw ni Macabuhay na ang rapid testing ay isang screening device kung saan tinitingnan ang posibilidad ng pagkakaroon ng Covid-19 ng isang tao sa pamamagitan ng antibodies.

Aniya, ang magiging reactive o positibo dito ang siyang isasailalim sa real-time polymerase chain reaction o RT-PCR ng libre sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC).

Kasalukuyang may dalawang subnational laboratory sa Region 8.

Sa ngayon, ani Macabuhay, hindi kaya ng gobyerno na lahat ng tao ay isailalim sa PCR confirmatory test lalo na’t mahigit limang libong piso ang halaga ng bawat swabtest sa pribadong hospital.

Nilinaw din ng opisyal na hindi porket “reactive” sa rapid test ay positibo na sa Coronavirus disease ang isang tao.

Aniya, hindi stand alone ang mga rapid kits kaya kailangan pa rin ang confirmatory test.

Ayon sa guidelines ng Department of Health Region 8, lahat ng nagpositibo sa rapid test, lalo na sa mga lugar na wala pang reported cases, ay hindi muna agad isasailalim sa swabtest o confirmatory test.

Temporaryong ilalagay muna sila sa isolation facility at sa oras na makitaan ng sintomas, saka pa sila kukunan ng swab samples.

Sa ganitong paraan, mabibigyang prayoridad ang mga lugar na may positive o local transmission.

Ang mga reactive subalit walang sintomas ay isasailalim din sa confirmatory test kapag natapos na ang kanilang 14-day quarantine.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga health officials sa donasyon na Rapid Test Kits mula sa pamahalaang siyudad ng Maasin, na pinamunuan ni Mayor Nacional Nikko Mercado.

About Dahlia Orit 348 Articles
Your journalist/blogger from Maasin City

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*